Umabot na sa 40 ang kumpirmadong nasawi at higit 1,200 ang nasugatan sa pagsabog ng Shahid Rajaee Port sa Bandar Abbas, Iran noong Sabado, Abril 26. Patuloy pa rin ang nararanasang sunog na tumagal na ng mahigit 24 oras matapos ang insidente, ayon sa state media.
Bumisita sa lugar si Iranian President Masoud Pezeshkian nitong Linggo upang personal na alamin ang kalagayan ng lugar at mga biktima. Tiniyak niyang tutulungan ng pamahalaan ang mga pamilya ng mga biktima at ang mga nasugatan. Nag-utos din siya ng imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog.
Ayon sa mga opisyal, posibleng nag-umpisa ang insidente sa sunog sa imbakan ng mga kemikal. Mariing itinanggi ng Department of Defense na may kinalaman ito sa mga kagamitang militar.
Dahil sa makapal na usok at polusyon, kanselado ang pasok sa mga paaralan at opisina sa lungsod. Pinayuhan din ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang tahanan at magsuot ng face mask.
Samantala nagpaabot naman ng pakikiramay at tulong ang mga bansa tulad ng Russia, China, Saudi Arabia, India, at iba pang organisasyon.
Ang araw ng Lunes ay dineklara bilang National Mourning sa Iran, at tatlong araw ng pagdadalamhati sa lalawigan ng Hormozgan.