Inaasahan na umano ang pagbagsak ng ekonomiya ng mga bansa sa Asya ngayong taon dahil sa epekto ng COVID pandemic pero naibsan daw ito taliwas sa mga pagtaya ng mga eksperto.
Pinagbasihan ng Asian Development Bank (ADB) ang assessment dahil sa mabilis daw na pagrekober ng China.
Sa pagtaya ng ADB, ang tinaguriang developing Asia o grupo ng 45 mga bansa ay bubulusok ng 0.4 percent ang mga ekonomiya, taliwas sa nauna nilang estimate na 0.7 percent decline.
Sa taong 2021, hinuhulaan naman na ang rehiyong Asya ay aangat na dahil sa pagrekober ng hanggang 6.8 percent.
Ayon sa ADB, kabilang daw sa nagpapalakas loob sa pagrekober ng mga ekonomiya ay dahil sa nadiskubre na ang bakuna laban sa COVID-19.
Tinukoy naman ng mga eksperto na ang ilang bansa sa Southeast Asia tulad ng Indonesia, Malaysia, at ang Pilipinas ay matindi pa rin ang pressure sa pagresolba sa problema sa coronavirus.
Para kay ADB Chief Economist Yasuyuki Sawada, sinabi nito na ang Southeast Asia ay nahaharap sa pagsadsad ng economic output ngayong 2020 ng hanggang 4.4 percent, bago naman umangat sa 5.2 percent sa susunod na taon mula sa dating forecast na 5.5 percent growth.