Pinawi ng economic team ng Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na walang dapat ikabahala sa pagbulusok ng halaga ng piso kontra dolyar na pinakamahina sa nakalipas na 12 taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Department of Finance (DOF) Undersecretary Karl Kendrick Chua, kabilang daw sa dahilan sa paghina ng piso ay bunsod nang pagtaas ng interest rate sa Amerika.
Kung maalala kahapon ay naitala sa Philippine Dealing System na sumadsad ang piso sa isang dolyar sa halagang P53.23.
Aminado naman si Chua na agad na maaapektuhan sa paghina ng piso ay ang mataas namang presyo na inaangkat na mga produktong petrolyo ng Pilipinas.
Pero giit ng chief economist ng Department of Finance walang dapat ikaalarma ang publiko dahil malakas naman ang ekonomiya ng Pilipinas.
Kung tutuusin kung mataas ang dolyar makikinabang din ang mga OFW na dolyar ang ipinapadala sa Pilipinas
Liban dito ayon pa kay Usec. Chua, malaki rin ang business process outsourcing (BPO) sa bansa gayundin ang export sector kaya sa tingin daw niya sa ngayon positibo pa ang epekto ng mataas na dolyar.
“Ang dahilan kung bakit bumaba ang halaga ng piso ay dahil ang US ay nagtaas po ng interest rate. Tayo sa Pilipinas hindi pa naman natin hinahabol ‘yan kasi malakas naman ang ekonomiya,” ani Usec. Chua na dati ring opisyal ng World Bank at Ateneo professor bago naging bahagi ng DOF.