-- Advertisements --

Nais ng pinakamalaking local business group sa bansa na Philippine Chamber of Commerce and Industry (PICC) na kumilos ang administrasyong Marcos ukol sa paghina ng halaga ng piso laban sa foreign currency.

Bumagsak kasi sa ikatlong pagkakataon ang piso sa pinakamababang antas nito kontra US dollar sa P59 na palitan ng $1 nitong nakalipas na araw.

Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon, ang pagbaba ng halaga ng ating pera kaugnay ng inaangkat lalo na sa food-related staple items ay dapat na bigyang pansin at maaksyunan ng Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Nagbabala si Barcelon na ang kakulangan sa mga raw items ay maaaring maging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ating bansa, lalo na’t malapit na ang kapaskuhan.

Sumang-ayon din ang ilang mga financial analyst na ang P60 na katumbas ng $1 ay posible ngunit ang currency ng bansa ay nakahanda ding kumita mula sa pagtaas ng mga remittances sa panahon ng holidays.

Una rito, ang inflation rate sa Pilipinas ay umakyat na sa 6.9 percent sa buwan ng Setyembre.