-- Advertisements --

Inabot ng 12 oras bago nasagip ang personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang marahas na pag-hijack ng mga China Coast Guard personnel sa PH boats habang nagsasagawa ng rotation and resupply mission sa Ayungin shoal noong Lunes, Hunyo 17.

Makikita sa nauna ng ibinahaging video ng militar na gumamit ang mga tauhan ng CCG ng tear gas, winawasiwas ang kanilang hawak na bolo, hinila ang rigid hull inflatable boats ng PH Navy at binato ang mga sundalong nakadaong sa tabi ng BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng Pilipinas sa Ayungin shoal.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, natanggap nila ang ulat hinggil sa nasugatang personnel bandang alas-10 ng umaga at tumagal ng 12 oras para ma-retrieve ang kanilang nasugatang tauhan na lulan ng BRP Sierra Madre.

Ipinadala din ng PCG ang 2 barko nito na BRP Cabra at BRP Bagacay para i-rescue ang mga bangkang hinatak ng China Coast Guard at para magsagawa ng medical evacuation sa kanilang personnel.

Sinubukan ding ipaalam ng PCG sa mga Chinese ang kanilang layunin na magsagawa ng medical evacuation dahil may mga sugatang tauhan ng AFP na sakay ng BRP Sierra Madre subalit sa kabila ng advisory at radio call ng PCG ipinagpatuloy pa rin ng mga CCG personnel ang panghaharass hindi lamang ng kanilang Coast Guard vessel kundi maging ng mga bangka ng People’s Liberation Army.

Sa kabila din aniya ng kanilang coordinated efforts para mahanap ang nasugatang AFP personnel, pinunterya pa rin sila ng mapanganib na maniobra at panggigipit ng Chinese Coast Guard kayat bandang alas-10:30 na ng gabi nang ma-retrieve nila ang nasugatang personnel.

Kung matatandaan, aabot sa 8 crewmen ng Philippine Navy ang nasugatan sa insidente kabilang na ang isang naputulan ng hinlalaki sa pag-atake ng CCG personnel na armado ng bolo sa layuning harangin ang resupply mission ng PH sa mga tropang naka-istasyon sa military outpost ng ating bansa na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea.