-- Advertisements --

NAGA CITY – Plano ngayon na lumapit sa Commission on Elections (COMELEC) ng in-ambush na si Garchitorena Mayor Nelson Bueza para maisailalim sa Comelec control ang kanilang bayan sa Camarines Sur matapos ang nangyaring pananambang sa kanila nitong Lunes ng madaling araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Nelson Bueza, sinabi nito na kahit hindi pa umano niya alam kung sino ang posibleng nasa likod ng pangyayari ngunit inilarawan nitong mainit ang pulitika kanilang bayan.

Kasama ng alkalde sa kanilang sasakyan ang kanyang asawa at kanyang kaalyadong si Celoy Aragdon na tumatakbong Bise Alkalde gayundin ang kaniyang driver.

Una nang sinabi ni Mayor Bueza na nakakatanggap na siya ng banta sa buhay bago pa man mangyari ang nasabing insidente na ayon sa kanya na posibleng may koneksyon sa pulitika.

Ibinunyag pa ng alkalde na may mga umaaligid na umanong kriminal sa kanilang bayan matapos umanong piyansahan ng mga kalaban niya sa pulitika.

Ito’y upang matiyak lamang umano na hindi na siya mananalo sa darating na halalan.

Sa ngayon, patuloy naman na iniimbestigahan ng otoridad ang nasabing pangyayari.