-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Paghimok lamang ang maaaring gawin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang sumailalim sa drug test ang mga kandidato sa eleksyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Corazon Toribio ng DILG Isabela, sinabi niya na boluntaryo lamang ang pagsasailalim sa drug test ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.

Hinihikayat lamang ng DILG ang mga kandidato na sumailalim sa drug test upang ipakita sa kanilang kabarangay na handa silang magserbisyo sa kanilang lugar.

Sakaling ayaw sumailalim sa drug test ang isang kandidato ay hindi maaaring pilitin ng ahensya dahil wala pang kautusan ang Commission on Elections (COMELEC) ukol dito.

Ayon kay Provincial Director Toribio, naisip ito ni Secretary Benhur Abalos ng DILG dahil isa ang iligal na droga sa malaking problema sa bansa at malaki ang epekto sa isang lugar kung maging ang mga namumuno nito ay positibo sa ipinagbabawal na gamot.

Pinayuhan naman niya ang mga kakandidato na kung alam nilang sila ay malinis sa ipinagbabawal na gamot ay hindi na ito kailangan pa bagamat kapag ginawa naman nila ito at malaman ng taumbayan ay maaring factor din sa kanilang kandidatura.

Samantala, nilinaw ng Lupon ng Halalan na hindi na requirement sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang drug test.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ederlino Tabilas, Regional Director COMELEC Region 2, sinabi niya na hindi na kailangan ng drug test para sa paghahain ng COC na magsisimula sa August 28.

Aniya kung matatandaan ay una na ring idineklara bilang unconstitutional ang mandatory drug testing para sa mga tatakbong kandidato.

Wala rin silang natatanggap na kautusan mula sa COMELEC main office kaugnay sa pagsailalim sa drug testing ng mga kandidato dahil dagdag gastos lamang ito lalo na sa mga Sangguniang Kabataan Aspirant na hikahos o kulang sa financial resources.