Irerekomenda umano ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong rehiyon ng Luzon.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pulong nitong araw ng Disaster Response Cluster sa Camp Aguinaldo dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo gaya “Quinta, Rolly at Ulysses” sa buong Luzon.
Pinangunahan ni NDRRMC chairman at Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nasabing pulong.
Pinagtibay din sa nasabing pagtitipon ang pagbuo ng isang Technical Working Group para sa prevention, mitigation at preparedness clusters ng NDRRMC upang silipin naman ang kasalukuyang estado ng mga dam.
Inatasan din ni Lorenzana ang Pagasa na muling balikan ang historical data nito upang mapalakas pang lalo ang kanilang paglalabas ng babala bago pa tumama sa bansa ang isang bagyo.
Magugunitang lumabas sa naging meeting nitong nakalipas na Linggo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tila kapabayaan daw ng mga dam managers sa Magat at Angat na siyang itinuturong may sala umano sa malawakang pagbaha sa Cagayan, Isabela, Marikina at Rodriguez sa Rizal dahil sa kawalang babala umano ng mga ito sa lokal na pamahalaan.
Pero mismong ang Pangulong Duterte ay idinepensa din ang mga nasa likod ng dam dahil hindi pwedeng pigilan ang pagpapakawala ng tubig baka lalong maging delubyo kung sasabog ito.
Ang mga opisyal ng Magat dam pati ang NIA ay nagpaliwanag na rin na bago pa man tumama ang typhoon Ulysses ay naglabas na sila ng abiso.
Samantala, irerekomenda rin naman ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano na ang NDRRMC na ang magbibigay ng hudyat kung kailan magpapakawala ang mga dams lalo na sa panahon ng bagyo.