Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) na walang kinalaman ang pagkakaron ng aircon o wala sa mga pampublikong sasakyan.
Ginawa ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire ang pahayag kasunod na rin nang unti-unting pagpasada na sa mga pangunahing lansangan ng mga bus at mga jeepney.
Lumabas din sa IBON Foundation na may pag-aaral daw na ang mga open-air vehicles ay hindi lubhang delikado sa mga mananakay sa pagkalat ng coronavirus.
Paliwanag naman ni Vergeire, ang droplets pa rin ang mode of transmission ng COVID-19 kaya napakahalaga ang pagsusuot palagi ng face mask lalo na kapag sumasakay ng public transportation.
Aminado rin naman ang DOH na mas kritikal ang pagsakay ng traditional jeepney dahil magkaharap harap ang mga pasahero hindi katulad sa mga bus na hindi magkakaharap ang pag-upo.
Binigyang diin pa ng opisyal na may aircon man o wala ang isang sasakyan kung walang suot na face mask ay madali ang pagkahawa-hawa ng mga pasahero.
“The mode of transmission is droplet infection. With or without aircon basta naka-mask kayo lahat you are distant to the person next to you at hindi kayo cramped, the possibility of getting infected is very low,” ani Usec. Vergeire. “DOH issued minimum public health standards at ang magpapatupad nito ang kani-kanilang ahensiya.”