Tiniyak ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na dadaan sa butas ng karayom ang mga kandidatong naghain ng kanilang mga certificate of candidacy (CoC) para sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, dadaan muna sa proseso ng pagsasala sa Comelec ang mga kandidato para tiyaking hindi sila nuisance candidate.
Matinding pagbusisi umano ang kanilang isasagawa sa mga CoC ng mga kandidato matapos umabot sa halos 100 ang nais tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa.
Aniya, kabuuang 97 ang bilang ng mga nais tumakbo para sa pinakamataas na posisyon sa bansa, 28 naman ang naghain ng CoC para sa bise presidente habang 175 ang gustong tumakbo bilang senador.
Aminado ang tagapagsalita ng Comelec na marami ang mga naghaing kandidato ng kanilang mga CoC ngayong taon.
Sabi ni Jimenez, maraming iba’t ibang paraan ang Comelec para makita kung mayroon talagang lehitimong intensiyon ang isang kandidato na tumakbo.
Kasama na aniya dito ang kaniyang campaign strategy, plataporma at iba pa.
Muli namang ipinaalala ni Jimenez ang deadline para sa substitution sa Nobyembre 15.
Dito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na maghain ng kanilang substitution mula sa kanilang political party.