-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nais umanong magpakitang gilas o maghiganti ang motibo nang pagsalakay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa public market ng Datu Paglas Maguindanao.

Ayon sa mga otoridad nais din umanong ipakita ng BIFF na malakas pa rin ang kanilang pwersa kahit humihina na ito at marami na ang sumuko sa militar.

Gusto ring gumawa raw ng senaryo ng BIFF para iparamdam sa mga dayuhang terorista kagaya ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na marami at malakas pa sila.

Pakay daw ng BIFF na makatanggap karagdagang pondo mula sa foriegn terrorist group.

Matagal na ring nagpasaring ang BIFF na gaganti sa pagkakubkob ng kanilang mga kampo sa SPMS Box at marami rin ang nasawi sa mga rebelde sa engkwentro ng Joint Task Force Central.

Matatandaan na inatake ng BIFF Karialan faction ang palengke ng Datu Paglas, Maguindanao ngunit agad silang naitaboy ng mga sundalo at pulis.

Wala namang nasugatan sa mga sundalo at pulis habang apat ang naiulat na patay sa BIFF na dala-dala nila sa pag-atras papasok ng Liguasan Delta.

Sa ngayon ay nasa hightened alert ang Joint Task Force Central sa posibleng sorpresang pananalakay ng mga terorista.