-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – “Good as normal” ang magiging pagdiriwang ng Filipino community at mga residente sa New Zealand sa Bagong Taon.

Ito’y sa kabila ng umiiral na pandemic at tumataas pang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa iba pang bahagi ng mundo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Efren Gaspi, Filipino resident sa Christchurch City, malaki ang pasasalamat nito sa New Zealand government sa mabilis na aksyon ng umuusbong pa lamang ang health crisis kaya’t nai-enjoy ngayon ang halos normal nang sitwasyon.

Inaasahang tuloy ang mga parties, pag-iikot ng mga local tourists, bungee jumping at may iilang fireworks display.

Magkakaroon rin ng pagtitipon ang Filipino community kaya’t todo na rin ang paghahanda ng mga ito.

Dakong alas-6:15 ng gabi, oras sa Pilipinas, kabilang ang New Zealand sa mga mauunang magdiriwang ng Bagong Taon, kasunod ng isla ng Samoa at Kiribati o Christmas Island.

Kung kabilang ang New Zealand sa mga unang nag-Bagong Taon, ang teritoryo nitong Cook Islands ay kasama rin sa mga huling magdiriwang ng New Year.