-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hindi pa umano natatalakay ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad ng pagsama ng e-sports sa mga medal events sa taunang Palarong Pambansa.

Ayon kay DepEd undersecretary at Palaro 2019 secretary-general Revsee Escobedo, marami raw na mga laro sa Southeast Asian (SEA) Games ang pinag-iisipan nilang gawing demo sports sa youth sports meet.

Ngunit sang-ayon na rin aniya sa hiling ni DepEd Sec. Leonor Briones, mas pinili na lamang nilang gawin ang Larong Pinoy, na nais rin daw nitong ibilang sa mga regular na Palaro sports.

Posible umano na sa susunod na taon, kasama na ang Larong Pinoy sa mga demo sports, bukod pa sa ilang mga sports.

Paliwanag pa ng opisyal, ang pagpapalakas at pagpapabuti nang husto sa pisikal na abilidad ng mga student-athletes ang prayoridad ngayon ng Palaro Board.

Gayunman, nilinaw ni Escobedo na hindi pa nila isinasara ang pinto sa e-sports para tuluyan itong mapabilang sa mga laro sa annual games.