Inalmahan ng opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) ang plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na paglabas sa umano’y listahan ng mga narco-politicians, ilang buwan bago ang May midterm polls.
Sa isang panayam, tinawag ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na negative campaigning ang naturang balak ng DILG at PDEA.
Hindi aniya patas sa mga maaakusahang politiko sa illegal drug trade sa gitna ng election period.
“Unfair naman ‘yun,†ani Guanzon. “Kung ilabas niyo sana ‘yan, dapat kinasuhan niyo. Pwedeng ilagay niyo, ‘Ito may mga kaso na laban sa mga taong ito for violating Dangerous Drugs Act. Pwede.”
Gayunman, may naunang pahayag na umano si COMELEC spokesperson James Jimenez na pinapayagan ang negative campaigning.
Una rito, tiniyak ni DILG Secretary Eduardo Año na bago pa magsimula ang local campaign period sa darating na March 30 ay ilalabas na nila listahan ng mga narco-politicians.
Ayon sa kalihim, magpupulong pa muna sila ni PDEA Director General Aaron Aquino at Dangerous Drugs Board Chief Catalino Cuy kaugnay sa listahan ng mga narco-politicians at saka ito isasangguni kay Pangulong Rodrigo Duterte.