Naniniwala si dating Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin na magiging masalimuot umano ang proseso sa pagsasaayos ng national men’s basketball team program ng bansa.
Reaksyon ito ni Baldwin matapos ang palyadong kampanya ng Gilas sa 2019 FIBA World Cup sa China kung saan bumagsak sa ika-32 puwesto ang mga Pinoy sa nasabing torneyo.
Dahil dito, buhos ngayon ang panawagan ng ilang mga basketball fans na tanggalin si Yeng Guiao bilang Gilas head coach at ibalik na lamang muli si Baldwin.
Pero ayon sa beteranong mentor, hindi umano masosolusyonan ang problema ng Gilas sa simpleng pagpapalit lamang ng coach o mga players.
“I think that it is virtually a scientific process and it’s inexact, so that’s contradictory in saying that. But there are people around that should be involved in this discussion and I think that everything has to be considered. I think it is a very, very complex decision that should involve vested, high-quality basketball minds in this country,” wika ni Baldwin.
Hindi rin umano dapat na magpaapekto ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa matinding mga kritisismo mula sa mga fans.
“I’m certainly not moved by what the fans say, and that’s no disrespect to the fans because they have every right. But I think these are extremely important decisions about a national team and I think that it should be a carefully measured process,” anang coach.
Bagama’t inamin nitong nalulugod ito sa suhestyon ng mga fans, naniniwala si Baldwin na hindi raw siya ang sagot sa problema ng Team Philippines.
Gayunman, handa naman daw itong tumulong sakaling hingin ng mga basketball officials ang kanyang serbisyo.
Matatandaang orihinal na kinuha si Baldwin noong 2015 upang pangunahan sana ang Pilipinas sa misyon nitong pagbabalik sa World Cup noong 2019.
Ngunit bigla na lamang nitong pinalitan si Chot Reyes noong Oktubre 2016.