LEGAZPI CITY – Pinirmahan na ng Pilipinas at China ang aabot sa $220-million loan agreement na inaasahang popondo sa proyekto ng Philippine National Railways sa South Luzon kabilang ang Bicol, kasunod ng ikalimang state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing.
Ilalaan ito sa “Build, Build, Build” program ng administrasyon na mag-uugnay sa Metro Manila hanggang Legazpi, Albay; Legaspi hanggang Matnog, Sorsogon, at Calamba sa Laguna patungo sa Batangas City.
Sa impormasyon mula sa Department of Finance, saklaw ng serbisyo ng project management consultancy ang detailed engineering and design; paghahanda sa bidding para sa procurement process ng civil works at iba pang proseso hanggang sa pangangasiwa sa construction.
Sinaksihan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Export-Import Bank of China vice president Xie Ping ang pagpirma ng loan agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa Diaoyutai State Guest House.
Pumapalo naman sa 2 percent ang interest rate sa naturang loan na babayaran sa loob ng 20 taon kabilang na ang “grace period” na pitong taon.
Kumpiyansa naman ang Finance Department na malaki ang maitutulong nito sa economic and social development ng bansa.