Target umano ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na tapusin ang isinasagawang rehabilitasyon sa sikat na isla sa Mayo ng susunod na taon.
Ito’y kahit pansamantalang isinara ang isla bilang pag-iingat na rin sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Environment Sec. Cimatu, ang isang taong ibinigay na “extension” sa BIATF ay sapat na para matapos ang mga naantalang trabaho at maibalik ang ganda ng tinaguriang “world-famous resort island.”
Batay sa Executive Order (EO) 115 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, binibigyan ng “extension” ang BIATF na pinamumunuan ni Cimatu na tatagal hanggang Mayo 2021 na dapat sana ay natapos nitong Mayo 8, 2020 o dalawang taon matapos itong buuin sa pamamagitan ng EO 53.
“We want to preserve all the good things that resulted from rehabilitation of Boracay and which brought it back to its rightful place as one of the best islands in the world,” wika ni Cimatu.
Sinabi pa ni Cimatu na tututukan ng task force ang mga prayoridad nito para sa rehabilitasyon ng Boracay hanggang Mayo 2021 kabilang na ang pagpapatupad ng “easement laws” upang tuluyang maialis ang mga nakasagabal sa beachfront at iba pang road obstruction.
Sisiguruhin din ng task force na masusunod ang “capacity regulations” sa Boracay na hanggang 6,405 na turista lamang kada araw ang papahintulutang makapasok sa isla kapag binuksan itong muli sa turista.
Sa darating na Hunyo 16 ay muling bubuksan ang isla ngunit para ito lamang sa mga residente ng Western Visayas matapos itong isailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine.
Ayon pa sa DENR, balak din ng BIATF na ipatupad ang moratorium sa konstruksiyon ng mga residential at commercial establishments upang matiyak ang pagsunod sa “physical carrying capacity” na inilabas sa Boracay.
Kaugnay nito, regular ang isasagawang environmental compliance monitoring para sa tubig ng Environmental Management Bureau at maglalagay din ng mas maraming sewage treatment plants upang matiyak ang maayos na water quality sa isla.