Target ng Kamara na maisabatas ang panukalang P5.768 trilyong budget at maipasa ang ilan pang prayoridad na panukala ng administrasyong Marcos bago matapos ang taon.
Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan na maratipika ang panukalang 2024 national budget sa oras na makatutugon sa pangangailangan ng bansa sa susunod na taon.
Sinabi ni Romualdez na ang target ay maipadala ang panukalang budget kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago matapos ang taon.
Noong Sabado ay pormal ng ibinigay ng Kamara sa Senado ang inaprubahan nitong bersyon ng 2024 General Appropriations Bill (GAB) kung saan inilipat ang P194.5 bilyon para maproteksyunan ang mga Pilipino laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, maparami ang suplay ng pagkain sa bansa, at mapatatag ang seguridad ng bansa.
Sinabi ni Speaker Romualdez na tatalakayin din ng Kamara ang nalalabing 11 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at nabanggit ni Pang. Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
Sa ilalim ng LEDAC, ang mga hindi pa naipapasa ay ang panukalang Department of Water Resources and Services and Creation of Water Regulatory Commission, Tatak-Pinoy (Proudly Filipino) Act, Blue Economy Law; amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) / RA 9136, Government Procurement Reform Act, and Amendment of the Cooperative Code; at Budget Reforms Modernization, National Defense Act, New Government Auditing Code, and Philippine Defense Industry Development Act. Ang naturang mga panukala ay nasa iba’t ibang komite ng Kamara.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na maipapasa ang mga panukala sa oras.
Sa 17 prayoridad na panukala na nabanggit sa SONA noong Hulyo, isa ang naisabatas na, isa ang naratipika na, at walo ang naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.
Ang Automatic Income Classification Act for Local Government Units ang naisabatas na samantalang ang Ease of Paying Taxes bill at natapos na sa bicameral conference committee. Ang Excise Tax on Single-Use Plastics at VAT sa Digital Services ay naipasa na sa ikatlong pagbasa.
Iginiit naman ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo sa pamamagitan ng LEDAC sa paggawa ng epektibong polisiya at mga reporma.
Naaprubahan na sa ikatlong pagbasa ang 35 panukala kasama ang Virology Institute of the Philippines, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA) (Package 4), at National Disease Prevention Management Authority.
Kasalukuyang tinatalakay pa sa Komite ang iba pang panukalang batas.