-- Advertisements --
image 30

Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukalang Ease of Paying Taxes Act ay inaasahang magtutulak ng foreign direct investments (FDIs) sa bansa at magpapahusay sa bentahe ng Pilipinas bilang isang investment destination.

Aprubado na ng bicameral conference committee ang panukala at naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo.

Ayon kay Gatchalian, ang pag-institutionalize sa digitalization ng BIR ay nagtitiyak na ang pagpapatupad ng programa ay magpapatuloy sa mga susunod na taon.

Sinabi rin ng Senador na ang naturang digitalization roadmap ay sumasailalim sa regular na pagsusuri ng Kongreso upang matiyak ang patuloy na pagpapatupad ng mga proyekto.

Isa sa mga prayoridad na panukala na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ang panukalang Ease of Paying Tax Act ay naglalayong magbigay ng patas at pinasimpleng tax compliance requirements, itaguyod ang kapakanan ng taxpayers, at siguruhin ang patuloy na paglago ng kita.

Papasimplehin ng panukala ang paghahain ng buwis ng mga maliliit na negosyo. Magbibigay-daan din ito para sa electronic na pamamaraan ng paghahain ng tax, at pagpapabilis ng mga refund ng value-added tax (VAT) sa pamamagitan ng paglipat sa paggamit ng invoice system.

Bumagsak ng 20.4% ang FDI sa bansa sa US$3.911 bilyon sa unang kalahating bahagi ng taon, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ayon sa BSP, ang pagbaba mula sa US$4.9 bilyon na net inflows na naitala sa unang kalahating bahagi ng 2022 ay maaaring maiugnay sa iba’t ibang investor concerns na nagmumula sa global uncertainties.