Makababawas sa gastusin ng mga guro ang bagong batas na nagtataas sa kanilang teaching supplies allowance, at makatutulong din ito upang mas epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin.
Ito ang naging pahayag ni Senador Sonny Angara matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Kabalikat sa Pagtuturo Act.
Sa nakaraang limang taon bilang chairman ng Committee on Finance, tiniyak ni Angara na naibibigay sa mga teacher ang kanilang teaching supplies allowance.
Sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act, kabuuang P3.25 bilyon ang inilaan para sa P3,500 teaching supplies allowance ng mahigit 930,000 guro sa public schools.
Mula naman 2021 hanggang sa mga sumunod na taon, itinaas ang nasabing allowance sa halagang P5,000 kahit wala pang umiiral na batas na nag-aatas nito.
Ngayong may bago ng batas, itinaas na sa P10,000 ang taunang teaching supplies allowance para sa public school teachers.
Ang nasabing halaga ay magagamit ng mga guro para maipangbili ng tangible at intangible teaching supplies and materials; pambayad sa incidental expenses at para magamit rin sa implementasyon o pagsasagawa ng iba’t ibang learning modalities.
Kapwa naman inataasan sa ilalim ng batas na ito ang Department of Education at ang Department of Budget and Management na mag-ugnayan sa paglalabas ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 60 araw makaraang mapagtibay ang naturang batas.
Pero sa paliwanag ni Angara, kahit wala pang ang IRR, magiging epektibo na ang batas, 15 araw matapos ang publikasyon nito sa Official Gazette at sa mga pahayagang may regular na sirkulasyon.
Nagpasalamat din ang senador sa chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na si Senator Bong Revilla na siyang tumayong sponsor ng nasabing batas.