-- Advertisements --

Inaasahang magpapabilis sa pag-unlad ng digital infrstructure sa kanayunan at magtutulay ng tinatawag na digital divide para sa mga Pilipinong naninirahan sa malalayong lugar ang pagsasabatas ng panukalang Konektadong Pinoy. 

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, maraming Pilipino ang patuloy na naninirahan sa mga komunidad na walang matatag at abot-kayang internet connection,  na balakid para gumamit ng teknolohiya na magpapagaan ng araw-araw nilang pamumuhay.

Aniya, sa oras na maaprubahan na ang panukalang Konektadong Pinoy, makalalahok na aniya sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang komunidad sa malalayong lugar. 

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukala ay magbibigay-daan sa pamahalaan na mapabilis ang layunin nitong magbigay ng internet access sa lahat. 

Bukod sa pagsuporta sa mga negosyong micro, small, at medium-sized, ang malakas na internet connection ay kapaki-pakinabang din sa mga larangan ng edukasyon, research and development, financial management, at iba pa.

Inaasahan din na ang panukala ay maghihikayat ng mas maraming pamumuhunan sa digital infrastructure na mapapakinabangan ng mga malalayong lugar sa bansa.

Ayon sa isang ulat ng World Bank noong 2024, ang internet connectivity ng Pilipinas ay ang pinakamahal sa Southeast Asia at mas mabagal kumpara sa Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam, at Brunei.