Napapanahon at malaking tulong sa mga Pilipino ang ganap na pagsasabatas ng Ligtas Pinoy Centers Act of 2024 o ang Republic Act No. 12076, matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Disyembre 6.
Ito ang sinabi ni Senador Lito Lapid, isa sa may akda ng batas.
Itinatakda nito ang pagtatayo ng permanente, ligtas at may sapat na kagamitang evacuation centers sa bawat lungsod at munisipyo sa bansa.
Sinabi ni Lapid na malaking tulong ito sa mga kababayan nating madalas naaapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad sa Pilipinas, lalo na’t mahigit sa 20 bagyo ang dumadaan sa bansa kada taon.
Bukod pa aniya ang malalakas na lindol, pagguho ng lupa, pagbaha at pagsabog ng bulkan gaya ng Taal, Mayon at Kanlaon na nagdulot ng pagkasira ng mga tahanan at pagkawala ng kabuhayan ng maraming Pilipino sa nasabing mga lugar.
Isa pa anyang halimbawa ang pagkamatay ng libu-libong katao at pagkawasak ng mga bahay at evacuation center nang hagupitin ng super typhoon Yolanda ang Leyte at Samar noong November 8, 2013.
Sa pagtaya ng research firm GHD, tinukoy ni Lapid na aabot sa $124 billion ang mawawala sa ekonomiya ng bansa mula noong 2022 hanggang sa taong 2050 dahil sa mga bagyo, pagbaha at tagtuyot.