-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Welcome development para sa alkalde ng lungsod ng Legazpi ang pagsasabatas ng Republic Act 11292 na nagi-institutionalize sa Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa mga local government units (LGUs).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, mao-obliga umano ang mga LGU na magperform ng maayos at mag-comply sa mga requirements, hindi lamang para sa award kundi para sa makukuhang benipisyo ng mga empleyado at grants sa lokal na pamahalaan.

Nakapalaman sa SGLG ang scorecard na binubuo ng pagsagot sa isyu sa peace and order, investments, paggamit ng 20% development fund, ecological solid waste management at iba pa kung saan ‘very aware’ na aniya ang pinamumunuang lungsod.

Nabatid na sa darating na Oktubre, nakatakdang tanggapin ng lungsod ang ikaapat nang award bilang isa sa mga nangungunang SGLG sa buong bansa.

Ipinagmalaki pa ni Mayor Rosal ang pagtatrabaho ng mga empleyado kung kaya taunang natatanggap ang dagdag na mahigit P5 million pondo na hindi na kailangang kunin sa local government fund.

Ayon pa sa alkalde na hindi na pwede sa ilalim ng naturang batas ang mga local chief executives na “tutulog-tulog” lalo pa at maaring mabigyan ng penalidad ang mga ito.