CAUAYAN CITY – Iginiit ng Convenor ng Infra Watch PH na hindi makatwiran ang planong madaliin ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund (MIF) bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Terry Ridon, convenor ng Infra Watch PH na dapat ay malinaw ang paglalagakan ng Maharlika Investment Fund bago tuluyang isabatas.
Hindi ito dapat minamadali at kailangan ang masusing pag-aaral para malinaw at maayos ang paglalagakan ng MIF upang maging ligtas ang pera at hindi mauuwi sa pagkalugi.
Para kay Atty. Ridon mas maraming dapat asikasuhin ng pamahalaan kaysa pagsasabatas ng MIF tulad ng pagtulong sa mga mamamayan na naapektuhan ng mga pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Atty. Ridon na halos isang taon na ang administrasyong Marcos ngunit wala pang malinaw sa mga Economic and Investment Agenda nito at wala pang actual na nakikitang flagship na reporma ng pamahalaan.