LEGAZPI CITY – Umaapela ang tagapamuno ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na irekonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon patungkol sa hindi na pag-require ng testing sa mga papasok sa isang lugar.
Batay sa IATF resolution No. 101 series of 2021, hindi na mandatory ang testing sa biyahero, maliban na lamang kung may sintomas ng COVID-19 at tanging RT-PCR result lamang ang tatanggapin.
Ayon kay LPP president at Marinduque Gov. Presbitero Velasco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagpapasalamat umano ang organisasyon sa pakikinig ng IATF sa pagluluwag ng restrictions sa mga biyahero.
Subalit, naniniwala si Velasco na kinakailangan pa rin ang testing lalo pa sa peligro na makapasok at makihalubilo pa sa iba ang mga asymptomatic o walang ipinamamalas na sintomas na carrier ng COVID-19 virus.
Batid aniya ng LPP na mahal ang RT-PCR test kaya’t hiling na aprubahan kahit ang resulta ng antigen test na mas mura sa P500 hanggang P750 na presyo kumpara sa P3, 800 hanggang P5,000 na RT-PCR test.