Ipinaubaya na ng Philippine Coast Guard sa Department of Foreign Affairs ang mga susunod na diplomatikong
hakbang ng ating bansa hinggil sa pinakabagong insidente ng panghaharass ng China Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino sa bahagi ng Bajo de Masinloc shoal.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa ginawang pagtataboy at pagpapabalik ng mga tauhan ng China Coast Guard sa mga shells na kinuha ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar na pag-aari at nasasakupan naman ng teritoryo ng Pilipinas.
Sabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela, ido-document ng kanilang ahensya ang naturang insidente kaakibat ng paghingi ng mga affidavit o sinumpaang salaysay mula sa mga apektadong mga mangingisdang nakaranas ng pangbubully ng China.
Pagkatapos aniya nito ay magsusumite ang PCG ng investigation report sa National Task Force-West Philippine Sea, at maging sa iba pang mga concerned government agencies ukol dito.
Kaugnay nito ay nakasalalay na aniya sa mga kamay ng DFA ang pagsasagawa ng diplomatic action laban sa China hinggil sa nasabing insidente.