Itinuturing ng Commission on Human Rights (CHR) ang commitment ng Department of Justice na magsagawa ng forensic autopsies sa mga nasawing preso bilang nararapat na mga hakbang para maprotektahan at ma-uphold ang karapatan ng PDLs.
Ginawa ng komisyon ang pahayag kasunod ng paglagda ng DOJ sa isang declaration of cooperation kasama ang BuCor para mapahusay pa ang mga procedure para sa pag-iimbestiga ng custodial deaths ng mga preso.
Sa ilalim ng deklarasyon, nakasaad na iimbestigahan ng DOJ ang dahilan ng pagkasawi ng PDLs na nasa kustodiya ng BuCor sa Metro Manila kabilang ang mga nasa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Ito ay matapos madiskubre ang tambak na mga labi ng ilang PDLs sa loob ng funeral home sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, hinimok din ng CHR ang pamahalaan na isabatas na ang paglikha ng National Preventive Mechanism ng bansa para mapigilan ang torture sa mga preso sa mga piitan gayundin para magkaroon ng reporma at mapairal ang domestic at international standards.