VIGAN CITY – Iminungkahi ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na pag-aralang mabuti umano ng pamahalaan at ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng hybrid elections sa bansa.
Ito ay sa gitna pa rin ng mga isyu hinggil sa katatapos na May 13 midterm elections kung saan maraming mga grupo at ilang election watchdog ang tila nadismaya sa nasabing halalan dahil sa dami ng naging kapalpakan nito.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni LENTE Executiv Director Atty. Ona Caritos na kung maaari ay timbanging mabuti umano ng Comelec ang mga magiging maganda at masamang epekto ng nasabing sistema nang sa gayon ay hindi makumpromiso ang integridad ng election system sa bansa.
Ipinaliwanag ni Caritos na lahat umano ay mayroong maganda at masamang epekto, kaya kinakailangang maging mabusisi ang Comelec, pati na ang pamahalaan sa pagpili sa pagitan ng automated o hybrid elections.
Sa hybrid elections, ang bilangan ng boto ay manual ngunit ang transmission o pagpasa ng resulta ng botohan mula sa mga polling precincts ay gagawing automated o electronic.