-- Advertisements --

CEBU CITY – Sinang-ayunan ng isang political analyst ang suhestyon ng China na magsagawa ng joint investigation tungkol sa naging insidente sa Recto Bank.

Ito’y alinsunod na rin sa naging paninindigan ng Malacañang na magsagawa ng “friendly consultation” sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng opisina ng Chinese foreign minister.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Prof. Ryan Maboloc ng Ateneo De Davao University, sinabi nito na mas mainam na gawin ito basta pumayag ang magkabilang partido sa isasagawang imbestigasyon upang malaman kung ano talaga ang nangyari sa pagitan ng mga mangingisdang Pilipino at Chinese.

Dagdag pa ni Maboloc na mas mainam na walang pinapanigan ang bawat panig sa gagawing konsultasyon at naaayon dapat ito sa protocols ng magkaibang bansa.

Kung maalala ay inamin ng mga Pilipinong mangingisda na binangga umano ng Chinese fishing vessel ang kanilang bangka noong Hunyo 9 ng gabi sa West Philippine Sea na nagbunsod sa kanilang pagkalunod.

Ngunit biglang nag-iba diumano ang paninindigan ng kapitan ng barkong F/B Gim-Ver 1 matapos itong nakipagkita kay Agricultural Sec. Manny Piñol at nabigyan ng tulong mula sa pamahalaan.