Inirekomenda ng isang House leader ang pagsasagawa ng konsultasyon sa mga tourism stakeholders para sa totoong tourism rebranding ng Pilipinas.
Sinabi ni House ways and means committee chairperson Joey Salceda na maaaring maglunsad ang pamahalaan ng Sulong Turismo, o consultative conference para makakolekta ng input at mga pananaw mula sa stakeholders tungkol sa “6 As” ng turismo na attraction, accessibility, amenities, available packages, activities at ancillary services.
Ginawa ng mambabatas ang naturang rekomendasyon bilang tugon sa kontrobersiya na bumabalot sa paggamit ng stock video ng ibang bansa para sa promotional video ng “Love the Philippines” tourism campaign.
Ayon pa kay Salceda, ang Sulong Pilipinas ay isang taunang consultative conference na inisyatibo ng nagdaang administrasyon para tukuyin ang pangkalahatang direksiyon ng gobyerno ng Pilipinas.
Isa din aniya itong inclusive approach sa pagbalangkas ng polisiya kung saan nagsasama-sama ang iba’t ibang mga stakeholders para magbigay ng kanilang inputs kung paano mapapaganda ang pamamahala.
Sa pagtatapos aniya ng bawat konsultasyon, isusumite ang nasabing mga inputs o pananaw mula sa stakeholders sa Pangulo para maiprayoridad.
Sinabi din ng mambabatas na maaaring gamitin ng Department of Tourism ang Sulong platform para mapaganda ang branding campaign nito na magpapakita ng improvements sa kung ano ang iniaalok ng ating bansa para sa mga turista.
Maliban din aniya sa pagkakaroon ng isang promising slogan, dapat na pagtuunan din ng pansin ng DOT ang pagbibigay ng makatotohanang pagbabago partikular na sa pagdevelop ng magandang produkto para maibenta.