Bumuwelta ang Malacañang sa pahayag ni communist leader Jose Maria Sison na puwede umanong magsagawa ng kudeta ang Estados Unidos laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito, sa isang pahayag, sinabi ng founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na hindi na raw kinakailangan pang “magpaputok” ng Estados Unidos laban sa China, hindi gaya ng naging hamon ni Pangulong Duterte sa Amerika.
Ayon kay Sison, maaari na lamang utusan ng Washington ang kanilang mga tagasunod sa security forces ng Pilipinas na dakpin ang “traydor” si Pangulong Duterte at ipalit sa kanya si Vice-President Leni Robredo.
Pero ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ito lamang daw ay “wishful thinking” ni Sison.
Giit pa ni Panelo, nabubuhay umano nang komportable si Sison habang nasa exile samantalang hirap sa pakikibaka ang kanyang mga kasamahan na nasa mga kabundukan.
Una nang tiniyak ng AFP na walang kudetang mangyayari laban sa Duterte administration.