Ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon na bawal pa rin ang pagsasagawa ng burol o lamay sa bahay ng isang pamilya.
Ginawa ni Barangay Community Relations Department (BCRD) head Ricky Corpuz ang paalala matapos na makatanggap ng impormasyon na may ilan pa ring barangays ang pinapayagan na magsagawa nang lamay sa ilang bahay.
Ayon pa sa opisyal, mahigpit na ipinagbabawal ang naturang hakbang batay na rin sa ordinansa upang maiwasan ang pagtitipon-tipon at pagkalat ng COVID-19 virus.
Basi pa sa naturang patakaran sa Quezon City, papayagan lamang ang burol sa isang bahay kung negatibo sa coronavirus ang namatay at tatagal lamang ng dalawang araw ang lamay.
Pagkatapos nito ay dapat na ilipat na sa isang funeral parlor.
Liban nito, tanging malalapit lamang sa pamilya ang papayagan sa paghahatid sa libingan o kaya sa cremation.