BAGUIO CITY – Iminungkahi ng Office of the Civil Defense (OCD) – Cordillera ang pagsasagawa ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ng sarili nilang earthquake drill.
Sinabi ni Cyr Bagayao, Information Officer ng OCD-Cordillera na ito ay upang mapag-aralan ng mga lokal na pamahalaan ang mga hakbang na kanilang isasagawa kapag may nangyaring lindol.
Ipinaliwanag niya na kapag nagsagawa ng sariling earthquake drill ang mga lokal na pamahalaan ay kanilang maoobserbahan ang mga kailangan nilang pasulungin gaya na lamang sa pagsasagawa ng rescue operations.
Sinabi pa niya na dito rin matutuklasan ng mga lokal na pamahalaan ang mga problema kapag may sakuna at maaari itong pag-usapan sa mga concerned na ahensiya.
Nagpaalala si Bagayao kasabay ng pag-alala sa 1990 killer earthquake kahapon na kumitil sa buhay ng mahigit 2,400.