-- Advertisements --

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng South Korean military sa Estados Unidos upang magsagawa ng joint analysis kasunod ng pagpapakawala ng North Korea ng ilang short-range projectiles mula sa Silangang bahagi ng Pyongyang.

Ito ay ilang linggo matapos dumalo si North Korean leader Kim Jong Un sa isinagawang tactical guided weapons firing test.

Sa inilabas na pahayag ng South Korean military, sinabi nitong pinapaigting umano nila ang pagbabantay upang maghanda sa maaari pang sunod na pagpapasabong ng nasabing bansa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng White House ang ginawang ito ng North Korea. Ayon kay Pentagon spokesman Chris Sherwood, tinitingnan pa nila ang di-umano’y ginawang pagpapasabog ngunit hindi pa sila makapagbigay ng mas konkretong impormasyon.

Itinuturing naman ng ilan na senyales umano ito ng intensyon ni Kim na paigtingin pa lalo ang tensyon sa usaping denuclearization sa bansa.

Ayon naman kay Harry Kazianis, direktor ng Korean Studies sa Center for the National Interest, maaari raw na nais ipaalala ni Kim sa buong mundo, lalong lalo na sa United States, ang kakayahan nitong mas palakasin pa ang kanilang armas.

Noong Pebrero ay nakipagkita sa ikalawaang pagkakataon si Kim kay US President Donald Trump dala ang pag-asa na tuluyang tanggalin ang sanction na ipanataw nito sa mga nuclear weapons facilities ng North Korea.

Ngunit hindi pumayag dito si Trump hangga’t hindi nito tinitigilan ang paggawa ng nuclear weapons.

Ilang ulit na ring sinabi ng North Korea na gagawa ito ng panibagong paraan upang depensahan umano ang national interest kung hindi babawasan ng Washington ang sanction sa bansa.

Matapos isagawa ni Kim noong November 2017 ang huling intercontinental ballistic missile, inanunsyo nito ang morotarium sa nuclear at long-range ballistic missile tests.

Bagama’t wala umanong nilabag na self-imposed ban ang isinagawang short-range missile test ay naging salungat ito sa paulit-ulit na paglalarawan ni Trump bilang pinaka-malaking diplomatic achievement umano nito kasama ang North Korea.

Hanggang ngayon ay hindi pa kinukumpirma ng North Korea ang ginamit nitong armas noong Abril ay wala naman ding ebidensya na may kinalaman ang nuclear detonation o intercontinental ballistic missile rito.