-- Advertisements --

Ikinokonsidera ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng online graduation rites bunsod pa rin ng umiiral na lockdown sa ilang mga lugar bunsod ng coronavirus pandemic.

Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, nakatanggap daw sila ng mungkahi sa iba’t ibang mga paaralan na kung maaari raw na magsagawa na lamang ng e-graduation dahil hindi puwedeng gawin ang nakagawiang seremonya ng pagtatapos.

Posible rin aniyang payagan ng kagawaran ang nasabing panukala basta’t walang mangyayaring pagtitipon at personal na paghaharap.

Una nang sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na ipinagpapaliban muna ng ahensya ang graduation at iba pang end-of-school rites dahil sa COVID-19 crisis.

Tiniyak naman ng kalihim sa mga estudyante na matatanggap pa rin nila ang kanilang mga certificates at records sa school.

Nakatakda sanang gawin noong Abril 13 hanggang 17 ang graduation rites, ngunit hindi na ito itinuloy dahil sa pialawig na lockdown at pagbabawal sa mga malakihang pagtitipon.