VIGAN CITY – Aminado ang pangunahing nagsusulong sa pagsasaligal ng medical marijuana na maituturing nang “patay” ang nasabing panukalang batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Isabela Rep. Rodito Albano, sinabi nitong dahil sa ginawa ng Presidente Rodrigo Duterte hindi na maitutuloy na talakayin ito sa Senado.
Wala rin daw sama ng loob ang mambabatas sa pagtalikod ng presidente sa kaniyang panukalang batas dahil iyon ang paniniwala niya at nirerespeto naman daw ng punong ehukatibo ang paniniwala nito lalo na ng naaprubaran sa mababang kapulungan.
Una rito, nag-iba ang tono ng pangulo sa legalisasyon sa paggamit ng medical marijuana.
Sinabi nito na gagamitin lamang ng mga drug users ang medical marijuana para palaguin ang pagtatanim nito.
Matatandaang noong Enero ay inaprubahan sa Kamara ang House Bill 6517 o ang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act.
Umani ng samu’t saring reaksyon ang medical marijuana matapos sabihin ni Ms Universe Catriona Gray na pabor siya sa paggamit nito bilang gamot.