Dumipensa ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa kanilang gagawin na pagsapubliko ng mga politiko na nasa narcolist ilang araw bago ang simula ng local campaign period.
Una nang itinakda ng Comelec ang pagsisimula ng kampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon Marso 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG spokesman at Undersecretary Jonathan Malaya, kinumpirma nito na all-set na sila sa darating na mga araw sa paghahayag sa mga pangalan ng ilang mga politiko na iniuugnay sa iligal na droga.
Tiniyak din nito na nakahanda na rin ang kanilang legal department sa paghahain ng kaso matapos ang koordinasyon nila sa PDEA, Comelec at iba pang mga ahensiya na tumulong para makakalap ng mga ebidensiya.
Sinabi pa nito, nakahanda na raw ang kanilang mga listahan at nagpapatuloy ang pagberipika sa mga ito.
“Well nakinig po kami sa Comelec, sinabi na rin ito ni Presidential Spokesperson Sal Panelo na magkakaroon din nang pagpa-file ng mga kaso,” ani Usec. Malaya. “Meron po kaming legal team, abangan nyo baka po may kasabay nang filing of the case.”
Paliwanag pa ni Malaya, ang pagbubulgar nila sa narcolist ay magsisilbi ring gabay ng mga botante kung sino ang karapat-dapat na piliin na mga kandidato sa darating na halalan.
Nakatakdang ibunyag ng DILG ang mga pangalan ng ilang mga gobernador hanggang sa vice mayor.
Ang mga congressman ay hindi na raw sakop ng DILG habang ang mga barangay officials ay hindi na isasama dahil ginawa na nila ito noon pa.
“Hinahabol po namin na bago magsimula ang kampanya sa kadahilanan na gusto po sana natin na lahat ay magtulungan sa kampanya laban sa droga… sa tingin po namin may karapatan ang ating mga kababayan na malaman ang listahan para maging gabay sa pagboto sa paparating na eleksiyon,” depensa pa ni Malaya sa exclusive interview ng Bombo Radyo.
Tumanggi namang ihayag ng opisyal kung sino-sino ang mga nasa listahan at kung ilan ang eksaktong bilang ang nakapaloob sa narcolist.
Noong nakaraang linggo lamang ay nakipagpulong na rin si DILG Sec. Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagbigay ng go signal ang chief executive sa gagawing hakbang ng kagawaran.