-- Advertisements --

Pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng graft charges laban sa mga dating opisyal ng Procurement Service-Department ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Pharmally executives kaugnay sa iregularidad sa pagbili ng COVID-19 test kits noong panahon ng pandemya para sa mga health workers.

Ang naturang desisyon ay inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires para sa rekomendasyon na maghain ng 3 bilang ng graft laban kina dating PS-DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director at ngayon ay Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong at PS-DBM Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman gayundin sa mga Pharmally executives na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani at iba pa.

Habang inirekomenda naman ng Ombudsman ang paghahain ng hiwalay na graft laban kay dating PS-DBM executives Christine Marie Suntay, Webster LaureƱana, August Ylagan, at Jasonmer Uayan at empleyado ng Pharmally na si Krizle Mago.

Napatunayan din ng Ombudsman na guilty sa mga kasong administratibo ang mga executives at empleyado ng PS-DBM. Humaharap ang mga ito sa pagsibak mula sa serbisyo kaakibat ang pagkatanggal ng karapatang makatanggap ng lahat ng kanilang retirement benefits at habambuhay na diskwalipikasyon mula sa posisyon sa gobyerno.

Ang bagong resolusyon ay kasunod ng ibinasurang supplemental motion for reconsideration ni dating PS-DBM executive director Lao.

Sa unang resolusyon, sinabi ng Ombudsman na walang kaduda-duda na hindi maisasagawa ang procurement ng test kits nang walang indibidwal na aksiyon dito ang mga nabanggit na respondents.

Ang pagsasabwatan aniya ng mga respondent ay humantong sa paggawad ng multi-bilyong halaga ng kontrata sa Pharmally kahit na mayroon namang iba pang mga korporasyon na may kakayahang teknikal at pinanisyal para mag-suplay at magpadala ng test kits sa mas mababang presyo.

Matatandaan na inihain ang kasong administratibo laban sa mga ito para sa grave misconduct, gross neglect of duty, serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa paglgda sa tatlong kasunduan sa Phramally Pharmaceutical Corporation na inakusahan gumastos ng multi-bilyong peso na halaga para sa COVID-19 supply deals sa tulong ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno.

Ang tatlong transactions na ito noong 2020 ay ang pinagsamang 51,400 units ng RT-PCR test kits na nagkakahalaga ng kabuuang P4.165 billion.