Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno na lumalabag sa anti-red tape law na nakapipinsala sa foreign business climate.
Humingi ng suporta ang senador kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez para ituloy ang mga kaso laban sa mga opisyal na ito na nabigong ipatupad ang ease of doing business law.
Binigyang-diin ng Senate President ang pangangailangang i-abolish ang Foreign Investment Review Board (FIRB) dahil nakaapekto ito sa performance ng economic zones.
Ang FIRB ay ang interagency government body na awtorisadong magbigay ng mga insentibo sa mga rehistradong business enterprises.
Ang foreign direct investments (FDIs), ani Zubiri, ay isang pangunahing sektor na dapat itayo ng gobyerno lalo na kung tayo, aminado, isa sa mga nahuhuli sa Southeast Asia pagdating sa FDIs.
Binanggit din niya ang pangangailangang amyendahan ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (Create) Act upang gawing simple ang investment at fiscal incentives regime.
Hinimok naman ni Zubiri si Romualdez na i-kampeon ang pagpapatupad ng batas sa Ease of Doing Business.