CEBU CITY – Naantala ang pagsasampa ng kaso ng Police Regional Office (PRO-7) laban sa 42-anyos na suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Lee Silawan.
Ito ay dahil sa hindi pagpirma ng ina ni Christine Lee sa complaint affidavit na inihain ng pulisya.
Ayon kay PRO-7 director, B/Gen. Debold Sinas, hindi lumagda si Lourdes Silawan sa complaint affidavit laban kay Renato Llenes dahil sa mga nakalinya nitong kondisyon.
Iniisa-isa ni Sinas ang mga kondisyon ni Lourdes kung saan kasama rito ang pagsali sa kaso kay alyas Jun na itinuturong prime suspect ng National Bureau of Investigation (NBI-7) sa pagpatay kay Christine.
Dagdag pa nito, gusto rin umano ng ina na isasampa ang kasong rape laban kay Llenes.
Nilinaw ni Sinas na hindi nila maaaring isali si alyas Jun sa kaso dahil wala naman silang hawak na ebidensya laban dito.
Hindi rin aniya maaaring sampahan ng kasong rape si Llenes dahil base sa autopsy findings ni Dr. Benjamin Lara ng PNP medico legal, wala namang indikasyon na ginahasa ang biktima.
Binigyang-diin ni Sinas na malakas ang kanilang kaso laban sa self-confessed killer ni Silawan lalo na kung lalabas na ang resulta sa DNA test ng damit nito na nakuha ng pulisya na may mantsa ng dugo.