LEGAZPI CITY — Muling iginiit ng Commission on Elections (COMELEC)-Bicol na hindi makakaapekto sa kandidatura ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang isinampang patong-patong na kaso laban dito matapos iugnay bilang mastermind sa pagpatay kay Congressman Rodel Batocabe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay COMELEC-Bicol assistant regionaldDirector Atty. Romy Serrano, hindi nila kakanselahin ang kandidatura ng alkade sa kabila ng pagsasampa ng Department of Justice ng dalawang counts ng murder at anim na counts ng frustrated murder case.
Paliwanag ng opisyal, hangga’t hindi pa nako-convict ang isang kandidato sa isang kaso ay hindi maaaring pigilan ang pagtakbo nito.
Katunayan, maraming kaparehong kaso na rin aniya ang binabantayan ng ahensya na kinasasangkutan ng ilang mga opisyal mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Samantala, kumpiyansa si Serrano na magiging mapayapa ang halalan sa bayan ng Daraga sa kabila ng pagsasailalim dito sa COMELEC control matapos magkaroon peace covenant ang mga tumatakbo sa pagka-alkalde sa naturang bayan.