Prayoridad ni Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang pagsasanay ng mga Army officers sa mga bagong banta na kinakaharap ng bansa, sa gitna ng laban kontra sa COVID-19.
Ginawa ni Sobejana ang pahayag sa pagbubukas ng Command and General Staff Course Class (CGSC) 68-2020 na itinataguyod ng AFP Education, Training, and Doctrine Command (AFPETDC) sa Army Officer’s Club House.
Ang CGSC ang pinakamataas na kurso na maaring kunin ng mga opisyal ng AFP, kung saan magiging qualified sila sa pag-occupy ng key command and staff positions.
Binigyang-diin ni Sobejana na mahalaga ang walang tigil na pagsasanay ng mga opisyal para makasabay ang Philippine Army sa patuloy na nagbabagong “mission requirements”.
Kamakailan ay inanunsyo ng Pangulong Duterte na magiging misyon ng militar ang pamamahala sa pamamahagi ng COVID vaccine sa oras na available na ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana sinabi nito na may mga hakbang na silang ipinatupad para maiwasan ang infection sa nakamamatay na virus.
Sa datos ng AFP as of August 8, 2020 nasa 1,137 AFP personnel ang infected sa COVID pero 473 lamang ang itinuring na active cases.
Nasa 138 naman ang nakarekober at naghihintay lamang ng kanilang medical clearances.
Habang nasa 516 ang cleared at 10 na ang nasawi.
Samantala, hanggang sa ngayon wala pang itinatalaga na bagong commander ng Western Mindanao Command.
Ayon kay Sobejana wala pang napili ang Pangulong Duterte kung sino ang papalit sa binakante niyang pwesto.
Bagamat may inirekomenda na siyang mga pangalan na posibleng maging commander ng Wesmincom, tumanggi muna ang heneral na pangalanan ang mga ito.