CENTRAL MINDANAO-Mahigpit na pinagbabawal ng City Government ng Kidapawan ang pagsasangla, pagbenta o di kaya ay iligal na paggamit ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s ATM Cards ng mga beneficiaries sa lungsod.
Sa pamamagitan ng Executive Order number 063 series of 2022 na nilagdaan ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ay ipinag-uutos na dapat gamitin sa wastong pamamaraan ng mga 4P’s indigent beneficiaries ang kanilang ATM cards para makatanggap ng conditional cash assistance mula sa National Government sa pamamagitan ng DSWD.
“Hindi dapat nasasayang at dapat nagagamit sa tama ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa mga indigent nating kababayan na beneficiaries ng 4P’s kaya mahigpit na nating ipagbabawal ang pagsasangla, pagbenta o paggamit ng ATM cards sa iligal na pamamaraan”, paglilinaw ni Mayor Evangelista.
Hindi rin dapat gamitin ang ayudang natatanggap sa pagsusugal at iba pang bisyo kung kaya nagpalabas ng kautusan si Mayor Evangelista para mapigilan ang maling gawain ng ilang mga 4Ps’ beneficiaries.
Dagdag pa ng alkalde na dapat gamitin lamang ang ATM cards ng mga 4Ps beneficiaries bilang pangtustos sa pag-aaral at kalusugan ng kanilang mga anak at pambili na rin ng importante at pangunahing pangangailangan para sa pamilya.
Dahil sa di mabuting gawaing ito ay nagagamit bilang ‘collateral’ sa pambayad ng utang ang kanilang ATM cards na mahigpit namang ipinagbabawal ng DSWD.
Suspension ng ayuda o di kaya ay tuluyang pag-alis sa listahan ng 4P’s beneficiaries para hindi na makatanggap ng tulong pinasyal ang naghihintay na kaparusahan sa sino mang mapapatunayang lumabag dito, ayon pa sa EO.
Mananagot din ang mga indibidwal na pinagsang-laan o bibili ng mga ATM cards ng 4Ps dahil sila man din ay lumabag sa batas.
Maaring magreport sa tanggapan ng alkalde, barangay o di kaya ay sa City Social Welfare and Development Office o CSWDO kapag may dokumentadong kaso na ibinenta o isinangla ang ATM card ng 4Ps.
Pinapayuhan naman ni Mayor Evangelista ang lahat ng 4Ps beneficiaries na gamitin na lang sa wastong pamamaraan ang kanilang ATM cards para tuloy-tuloy na makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.