MANILA – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa pagbabanggit ng mga impormasyon na may kinalaman sa HIV status ng ibang tao.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng abogadong si Larry Gadon na namatay si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa impeksyon sa HIV.
“It shall then be unlawful to disclose, without written consent, information that a person has AIDS, has undergone HIV-related test, has HIV infection or HIV-related illnesses, or has been exposed to HIV,” ayon sa DOH.
Binigyang diin ng Health department na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act ang pagsasapubliko ng impormasyon ng isang taong nagpa-test, na-expose, o infected ng sakit na HIV at AIDS.
Pati na ang impormasyon tungkol sa mga taong nagpapagaling sa mga HIV-related na sakit.
“Discrimination on the basis of perceived or actual HIV status hamper the enjoyment of basic human rights and is deemed hostile and showing vicious ill will not just to the individual but to national interest.”
Ayon sa DOH, sensitibong impormasyon ang HIV status ng isang tao at itinuturing na iligal ang pagsasapubliko nito nang walang payo mula sa taong may sakit o nasa sitwasyon.
“They can be charged in accordance with law. Violators are liable to criminal, administrative and civil sanctions and penalties.”
Ilang netizens na ang nanawagan para matanggalan ng lisensya bilang abogado si Gadon.