Nanindigan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa plano nitong pagsasapubliko ng listahan ng mga pulitikong sangkot umano sa iligal na droga o narco-list bago ang halalan.
Ito’y sa kabila ng pagtutol ng ilang senador at tanggapan gaya ng Commission on Human Rights (CHR).
Ayon kay Interior Usec. Martin Diño, karapatan ng taong-bayan na malaman kung sino sa mga tumatakbong opisyal ang nauugnay sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Sa ngayon hindi pa naman daw pinal ang hawak nilang listahan dahil apat na tanggapan ang patuloy na nagva-validate dito.
Pero batay sa kanilang huling datos ay higit 80 opisyal ang kabilang sa listahan.
Inamin naman ni Dino na hindi lahat sa mga ito ang tumatakbo para sa halalan, pero tiyak na kabilang umano sa mga ito ang ilang gobernador, kongresista, mayor at konsehal.