Aminado ang Malacañang na hindi maaaring basta-basta pangalanan sa publiko ang mga artistang sinasabing sangkot sa iligal na droga.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kailangan muna humingi ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng permiso kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, kung ikukumpara umano sa narcolist ng mga pulitiko at iba pang opisyal, dumaan na ang narcolist sa masusing pagbusisi ng mga otoridad at mismong si Pangulong Duterte ay may access na sa mga impormasyon laban sa kanila.
Dahil dito pinayagan ni Pangulong Duterte ang pagsasapubliko ng mga pangalan doon sa listahan.
Sinabi pa ni Panelo, nakatakdang pag-aaralan ni Pangulong Duterte kung isasapubliko rin ang narcolist na naglalaman ng pangalan ng mga artista.
Ikokonsidera raw lahat ng chief executive ang “pros and cons” ng pagsasapubliko sa nasabing narcolist.
Kasabay nito, binalaan ni Sec. Panelo ang mga artistang sangkot sa iligal na droga na tumigil at magpa-rehabilitate para hindi masira ang kanilang buhay.
Magugunitang nasa 31 umanong artista ang nasa drug watchlist ng PDEA at sinasabing mayroon daw umaarbor para huwag silang pangalanan.