Pursigido ang Commission on Elections sa plano nitong pagsasapubliko sa mga Statement of Contributions and Expenditure(SOCE) ng mga kandidatong tatakbo sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, bubuksan sa publiko ang mga SOCE ng mga kandidato, political party, at mga partylist group.
Katwiran ng Comelec chair, ang mga nilalaman nito ay pawang mga public interest.
Malalaman aniya ng publiko kung sino ang mga nag-donate ng pera o pondo, gaano kalaki ang hawak na pondo, saan ginastos ang pondo at kung may natira pa pagkatapos ng halalan, at kung nagbayad ba ng akmang tax ang partido o ang pulitiko.
Ayon kay Garcia, ilalabas ito ng komisyon sa mismong website at pwedeng ma-access o mabuksan at mabasa ng publiko.
Tiniyak din ng opisyal na nakahanda ang komisyon para depensahan ang naturang desisyon laban sa mga posibleng kukuwestiyon dito.
Ang naturang plano ay katulad din aniya sa plano ng komisyon na buksan din sa publiko ang listahan ng mga partylist nominees upang makilatis ang mga ito bago pa man ang halalan.
Giit ni Garcia, inabuso sa mga nakalipas na halalan ang partylist representation kung saan kahit sinong indibidwal ay hinahayaang kakatawan sa marginalized sector kahit na hindi siya ang dapat na magsilbing kinatawan.
Sa 2025 elections, tiyak aniyang makikilatis ng mga botante ang mga nominees dahil ilalabas na ito sa mismong website ng komisyon.