KALIBO, Aklan—Tututukan ng bagong talaga na hepe ng Kalibo Municipal Police Station ang kampanya laban sa illegal na droga at kriminalidad gaya ng nakawan at riding in tandem bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season at ang pagsisimula ng iba’t ibang aktibidad para selebrasyon ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2025.
Si P/Major Frenzy Andrade ay opisyal nang umupo upang pamunuan ang Kalibo PNP matapos ang ginanap na turn-over of command kung saan, binigyang diin nito na hindi makakalusot ang mga masasamang loob na tangkang maghasik ng krimen sa bayan ng Kalibo gayundin walang puwang ang paglaganap ng illegal na droga dahil siya rin ang nagsisilbing head ng Philippine Drugs Enforcement Unit sa lalawigan ng Aklan.
Upang maipatupad ang nasabing hangarin ay magtatalaga siya ng PNP personnel sa mga strategic areas na magsisilbing mata sa mga indibidwal na may kahina-hinalang galaw.
Nabatid na kamakailan lamang ay ilang drug suspects ang nahuli ng PNP personnel sa ikinasa na drug buy-bust operations sa bayan ng Kalibo.