Suportado ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Bureau of Correction (BuCor) chief Nicanor Faeldon.
Sinabi ng lider ng Kamara na tiyak na may basehan ang punong ehekutibo sa naging pasya kaya hindi naman ito gagawa ng anumang hakbang nang hindi muna naiimbestigahan ng mabuti.
Gayunman, nakakahiya aniya ang kontrobersiyang kinasasangkutan ni Faeldon kung saan nasa mahigit 2,000 heinous crime convicts ang napalaya mula 2014 dahil sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon kay Cayetano, makikita rito na kahit anong gawin ng gobyerno na linisin ang kanilang hanay ay may nakatago pa ring mga anomaliya.
Gayunman, pinatunayan lamang aniya ng pangulo sa naging pasya nito na hindi kukunsintihin ang korapsyon sa kanyang administrasyon.