LEGAZPI CITY – “Long overdue” na umanong matatawag ang sinasabing pagsibak kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan ng mismong Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni PCSO Board Member Sandra Cam, kilalang matinding kritiko ni Balutan sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “vindicated” umano ang tamang termino sa reaksyon nito sa nangyari.
Binalikan din ni Cam ang akusasyon nito sa “overspending” umano ni Balutan sa engrandeng Christmas Party sa PCSO noong 2017 na dapat sana’y nailaan na lamang para sa mga mahihirap na kababayan.
Patunay lamang umano ang nangyari na hindi lang siya ang nagbabato ng alegasyon ng katiwalian kay Balutan kundi bunga ito ng imbestigasyon.
Pinabulaanan din ni Cam ang umano’y P63 billion na revenue ng ahensya na iniuulat ni Balutan dahil lubhang mataas umano ito sa P20 billion lamang nilang revenue na batid ng buong board.
“Long overdue na ‘yang pag-ano (pagsibak) ni Presidente sa kaniya. I feel vindicated. Gusto nila akong mawala diyan pero hindi din sila nagwagi dahil ang ating mahal na Pangulo alam niya ang tunay na nagsiserbisyo sa bayan,” ani Cam.
Sa kabilang dako, wala pa naman umanong ideya si Cam kung sino ang mga pinagpipiliang pumalit sa posisyon ni Balutan subalit tahasang inihayag na ngayon pa lamang ay hindi siya interesado sa posisyon sakali mang ialok ito sa kaniya ng Malacanang.
“May palabra de honor ako ‘pag sinabi kong hindi ako interesado, hindi ako interesado.”